Tuesday, February 14, 2012

Sabado (Part 1)

Nagising siya dahil sa nakakabinging putok ng machine gun mula sa kanyang panaginip. Sa totoong mundo, tila isang sanggol na walang tigil sa pag-iyak ang kanyang alarm clock na nakapwesto sa mesang katabi ng kanyang kama. Buti na lang at panaginip lang ang lahat, kanyang nasabi sa sarili.

Bakit kaya ganoon ang mga panaginip? Kadalasang hindi lohikal. Weird. Maliban sa huling bahagi ay wala na siyang naalala pa sa kanyang panaginip. Kasali pa nga ang kanyang mga alagang pusa doon. Sa panaginip tatlo ang alaga niya, pero sa totoong buhay dalawa lamang. Ang putok ng baril ay galing sa dalawang kapitbahay niya na nagtungo sa tapat ng kanilang bahay. Isang babae at isang lalaki na parehong nakatakip ang mga mukha. Tinawag niyang 'Jenny' ang babae ngunit ang lalaki ay hindi niya kilala. Wala naman talaga silang kapitbahay na Jenny ang pangalan at lalong wala silang kagalit sa kanilang komunidad. Mula sa nakabukas na bintana ay isinuksok ni Jenny ang machine gun upang magpapaputok. Dali dali naman siyang dumapa malapit sa bintana upang saklolohan ang isa sa kanyang mga pusa na nakaupo sa ilalim nito. Sakto nga lang at naitabi niya ang kanyang kaliwang tenga sa baril kaya halos wala siyang marinig matapos nitong pumutok. Sa puntong iyon ay nagising na nga siya.

Kaunting inat at bumangon na rin siya mula sa higaan. Sabi ng wall clock, alas-otso ng umaga pa lamang. Napaaga ang gising niya, kadalasang alas-10 na siya gumigising kapag Sabado. Alam niyang imposibleng bumalik pa siya sa pagtulog, lalo na't malinaw pa sa kanyang isip ang bangungot niya kanina.Wala din naman siyang planong lumabas o gumimik nang ganuon kaaga.

Lumabas siya mula sa kanyang kuwarto at marahang binagtas ang hagdan pababa, patungo sa unang palapag nang bahay. Lumangitngit ang kahoy na hagdan na tila nagrereklamo sa bigat ng kanyang katawan. Luma na talaga ang kanilang bahay; ilang bagyo na din ang sumubok sa tibay ng pundasyon nito. Kung sakaling bumagyo ng malakas o kung, wag naman sanang loobin ng Diyos, lumindol ng mahigit pa sa 6 ang intensity sa Richter scale, posibleng masira na nang tuluyan ang bahay na tinatawag nilang tahanan sa mahigit na 15 taon.  

Natanaw niya si Puti, ang kanilang pusa, tila hinihintay siya sa unang baitang ng hagdanan. Maliksi itong umakyat at nang umabot sa kung saan siya nakatayo ay naglambing na tila hinahalikan ang kanyang talampakan. "Magandang umaga, Puti. Ngayong araw ka na ba manganganak?" malambing din niyang tanong dito. Isang mahinang 'nyaw' ang isinagot ni Puti at lalo pang ikiniskis ang sarili sa kanyang binti. Sabay silang bumaba ng hagdan at dumiretso siya sa kusina kung saan nagtimpla siya ng kape.


Kape. Hindi lalampas ang isang araw na hindi siya umiinom ng kape. Dalawang tasa sa umaga at isa sa merienda. Isa ang kape sa mga ritwal niya sa umaga, Sabado man o hindi. 

(Itutuloy...)

No comments:

Post a Comment